125

Mar 18, 2020 @ 16:23
By

121 katao huli sa curfew sa Baclaran

Aabot sa 121 indibidwal ang nakatikim ng sermon mula sa mga mga awtoridad na nagpapatupad ng curfew hour sa Baclaran, Parañaque City.

Pinaupo sa kalsada na hili-hilera at may distansya ang mga hinuli o social distancing.

Bago sila pinauwi ng kani-kanilang mga bahay ay pinagsabihan muna sila na hindi na dapat lumabas ng bahay at kinakailangan manatili na lamang sa kani-kanilang bahay.

Kailangan manatili sa bahay sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine.

Nabatid, na ang apat sa mga indibidwal ay kinausap pa sa barangay dahil nakipagsagutan pa sa barangay chairman na nanita sa kanila.

Ayon sa barangay, nakainom kasi ang mga ito at hindi na sila sinampahan ng kaso.

Matapos na ipatupad ang curfew noong Lunes ay aabot sa 130 indibidwal ang nasita ng barangay.

Samantala, inaresto naman ang apat na lalaki dahil sa pag-inom sa pampublikong lugar sa gitna pa ng general curfew sa Makati City.

Nabatid na sa ilalim ng Luzon-wide enhanced community quarantine, pinapayagang lumabas ang isang miyembro ng pamilya para bumili ng pangunahing pangangailangan.

Ngunit paalala ng mga awtoridad, dapat gawin ito bago magsimula ang curfew na umiiral sa Metro Manila ng alas-8:00 ng gabi na matatapos ng alas-5:00 ng madaling-araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?