By

12% VAT, pinatatapyas sa 10% ni Lacson

Sharing is caring!

Iginiit ngayon ni Senador Ping Lacson na tapyasan ang 12 porsiyento na value added tax (VAT) sa mga produkto at serbisyo para maibalik sa dating 10 porsiyento lamang.

Kabilang ito sa kanyang panukalang amendments sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Bill o Tax Reform Bill na itinutulak ng Malacañang.

Ayon kay Lacson, maaari nang ibaba ang VAT dahil maganda na ang ekonomiya at nasa 6.9 porsiyento na ang Gross Domestic Product (GDP) growth nito.

Upang mabawi naman ang mawawalang kita ng gobyerno kapag ibinaba ang VAT, tatanggalan na ng exemption sa VAT ang ilang produkto at serbisyo.

Sa ngayon, 143 ang nakikinabang sa VAT exemption. Ipatatanggal ni Lacson ang 78 sa listahan dahil matagal na aniyang nakikinabang ito.

“Ang total number of exemptions natin nasa mga 143 so ang gagawin o ili-lift ko ‘yung mga exemptions kasi ang tagal na nilang nakikinabang. ‘Yung iba since 1992, e pinakikinabangan nila ‘yung pagiging exempt nila. So it’s about time they should get back to the Filipino people, to the taxpayers,” ani Lacson.

Kapag tinanggalan ng VAT exemption ang tinutukoy niyang 78, maaari umanong kumita ang gobyerno ng karagdagang P117 bilyon.

Taong 2006 inumpisahan ang pagsingil ng 12 porsiyentong VAT at mula noon, maraming special law na ang ginawa ang Kongreso na nagbigay ng tax exemption sa iba’t ibang sektor.

Umaasa si Lacson na susuportahan ito ng mga kapwa senador kabilang sina Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on ways and means na nagdedepensa sa TRAIN, at Senate President Pro Tempore Ralph Recto na nagdepensa noon sa 12 porsiyentong VAT.

Nagbiro si Lacson na makikinabang si Angara kapag napagbigyan ang kanyang rekomendasyong ibaba ang VAT dahil tatakbong muli si Angara sa pagka-senador sa 2019.

“Welcome kay Senator Recto. Pati si Senator Angara, sabi niya wala naman siyang nakikitang problema. Sabi ko nga sa kanya… tatakbo siya ng 2019 ikaw ang chairman ng ways and means, you can just imagine sa ‘yo maki-credit ‘yung reduction from 12 percent to 10 percent e siguradong panalo ka,” ayon kay Lacson. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?