38

Sep 26, 2020 @ 18:41
By

12 ruta ng provincial bus bubuksan na

Simula Setyembre 30 ay 12 ruta ng provincial public utility bus ang bubuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Mula ito Metro Manila patungong mga lalawigan sa Central Luzon at Calabarzon, at pabalik.

Batay sa Memorandum Circular 2020-051 na ipinost sa Facebook page ng ahensiya, maaari nang bumiyahe ang mga provincial bus na may valid Certificate of Public Convenience o Application for Extension of Validity.

Dapat ding nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit ng bus.

Kailangang magsuot ng face mask at face shield, magdala at gumamit ng alcohol o sanitizer, at sumunod sa isang metrong physical distancing ang mga driver ng bus at kanilang mga pasahero.

Bawal ang pagkain, pag-inom at pakikipag-usap sa kapwa pasahero o sa cellphone sa loob ng bus.

Dapat ding makakuha ng ticket ang pasahero dalawang araw bago bumiyahe o mas maaga pa sa online o sa mismong bus terminal.

Maaari lang ang pagbili ng ticket sa araw mismo ng pagbiyahe kung emergency.

Ang mga sumusunod na bus route ang bubuksan:

· San Fernando, Pampanga – Araneta Center, Cubao, Quezon City

· Batangas City, Batangas – Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx)

· Lemery, Batangas – PITx

· Lipa City, Batangas – PITx

· Nasugbu, Batangas – PITx

· Indang, Cavite – PITx

· Mendez, Cavite – PITx

· Tagaytay City, Cavite – PITx

· Ternate, Cavite – PITx

· Calamba City, Laguna – PITx

· Siniloan, Laguna – PITx

· Sta. Cruz, Laguna – PITx

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?