277

Oct 14, 2019 @ 19:19
By

12 pang online pautangan pinatitigil ng SEC

Pinatitigil ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang 12 pang online lender sa kanilang pagpapautang nang walang kaukulang lisensiya.

Nag-isyu ang SEC en banc ng “cease and desist order” nung Oktubre 10, 2019 sa A&V Lending Mobile, A&V Lending Investor, A.V. Lending Corporation, Cashaku, Cashaso, CashEnergy, Happy Loan, Peso Pagasa, Vito Lending Corp., Phily Kredit, Rainbow-Cash, at Rainbowcash.Ph Lending Corp.

Bukod sa mga online lender, binalaan din ng SEC ang mga may-ari ng mga hosting site, mga promoter, at mga ahente nito na tumigil na kung ayaw nilang makasuhan din.

“The SEC enjoined the owners and operators of the online lending applications, their agents, representatives and promoters, the owners of their hosting sites and all persons acting for and on their behalf to immediately cease and desist, under pain of contempt, from engaging in, promoting and facilitating unauthorized lending activities,” sabi ng SEC kanina, Oktubre 14.

Pinagbabawal na rin ng SEC sa mga online lender ang pag-aalok sa mga taong mangutang pati na ang pag-aadvertise ng kanilang negosyo sa internet. Pinatatanggal din ng SEC ang kanilang promotional material sa internet pati na ang kanilang mga lending app.

Ang sinumang nagnenegosyo ng pautang ng walang lisensiya mula SEC ay magmumulta nang P10,000 hanggang P50,000 o makulong nang anim na buwan hanggang 10 taon o parehong pagmultahin at ikulong.

Ayon sa Corporate Governance and Finance Department ng SEC, hindi rehistrado ang 12 online lenders sa SEC at wala silang lisensiya para maging lending o financing company.

Ang A&V Lending Mobile ay hindi rehistrado sa SEC at matagal nang binawi ang registration ng operator nito na A&V Lending Investor.

Ang Peso Pagasa na pinapatakbo ng Ang Vito Lending Corp., na nagpapatakbo ng Peso Pagasa, ay walang record sa SEC, tulad ng Rainbowcash Ph. Lending Corp na nagpapatakbo naman ng Rainbow-Cash.

Bumabaha na ng reklamo sa SEC tungkol sa mga online lender na hindi rehistrado at walang lisensiya. Bukod sa walang awtoridad ang mga ito na magpautang, madugas at garapalan umano ang mga itong maningil.

Ang iba sa mga ito, ipangangalandakan sa mga nasa contacts list ng nangutang ang pangungutang nito at minsan, sa mga contact pa mismo sinisingil ang utang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?