1,896

Mar 7, 2020 @ 15:37
By

12 barkong nakadaong sa Zambales, pinaiimbestigahan

Hiniling ng Masinloc Municipal Council kay Zambales Governor Hemogenes Ebdane Jr., na siyasatin ang matagal nang pananatili ng hindi bababa sa 12 foreign dredging ship sa baybaying sakop ng Masinloc Bay, sa kadahilanang makapagdudulot ng polusyon sa tubig at makaaapekto sa protected area ng nasabing bayan.

Kamakailan lamang ay nagbigay ng resolusyon ang sangguniang bayan ng Masinloc kay Ebdane para mabigyang-pansin nito at direktang maipagbigay-alam sa mga ahensyang may responsibilidad sa pangangalaga ng kalikasan tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Coast Guard (PCG) upang matiyak na ang mga barkong nakadaong dito partikular ang mga barkong mula sa China ay may kaukulang permiso o pahintulot na mag-angkla sa baybayin ng Masinloc.

Batay sa listahan ng PCG, ang ilan sa mga barkong dayuhan na ito ay dumating dito sa pagitan ng buwan ng Pebrero at Disyembre 2019. Tatlo sa mga barko ay mga sasakyang pandagat mula sa bansang China.

Ayon sa konseho mga barkong nakadaong dito ay nakakabahala para sa bantang pagkasira ng Masinloc-Oyon Bay Protected Landscape at Seascape na idineklarang protektadong lugar ayon sa Republic Act No. 11038 o ang E-Nipas Act.

Noong nakaraang taon, ipinaalam ni Mayor Arsenia Lim sa Philippine Ports Authority (PPA) ang tungkol sa matagal nang pamamalagi ng mga barko ngunit sinabi ng mga opisyal ng PPA na ang mga vessel ay nagsumite ng mga kinakailangang dokumento at pinayagan na mag-dock dito.

Ngunit sinabi ni Lim na kinakailangang magsumite muna ang mga ito ng mga dokumento na nagsasabi ng permiso mula sa Protected Area Management Board (PAMB) ng DENR dahil ang mga barkong nakadaong ay posibleng magdulot ng hindi magandang epekto sa mga lugar na protected area.

“Hiniling ko sa mga ahensyang may responsibilidad dito na suriin nila mabuti kung ito ba ay may paglabag sa batas ng polusyon sa dagat,” sabi ni Lim sa isang pahayag.

Ayon kay Lim, dahil sa patagal nang patagal na pananatili nila dito, isang malaking palaisipan kung paano at saan nila itinatapon ang mga langis o krudong kanilang ginagamit at maging ang kanilang mga basura.

“Gagawin ko ang lahat para mawala ang kaba ng aking mga kababayan dahil sa mga barkong ito na nasa loob ng mga protektadong lugar sa dagat,” sabi ni Lim.

Idinagdag niya na hindi niya papayagan ang mga barkong dayuhan na sirain ang kanilang dagat lalo na ito’y pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng marami.

Samantala, noong nakaraang taon ng buwan ng Setyembre, inaresto ng pulisya ang pitong Tsino dahil sa walang kaukulang permiso at pamamalagi sa Masinloc Bay sakay ng kanilang dredging ship para gamitin sa isang iligal na dredging project sa bayan ng Masinloc.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?