564

Jan 1, 2018 @ 15:40
By

12 bad habits na dapat baguhin ng mga Pinoy

GoodBye 2017, Hello 2018! Bagong taon na kaya dapat na baguhin ang mga alam nating mali at nakasayan na. Mahirap man ngunit marami namang paraan upang mabago ito. Ito ay may maling gawin ng Pinoy na nakakasanayan na at kung minsan ay kinatatamarang baguhin.

1. Hindi nag-aalmusal — Alam ba ninyo na halos isa sa bawat tatlong Pilipino ang hindi nag-aalmusal? Ito ay malaking kamalian, dahil sa almusal, kumukuha ng lakas ang ating katawan para magtrabaho, mag-isip at magkaroon ng energy.

Ang almusal ang pinakamahalagang pagkain natin sa buong araw. Ang mga batang nag-almusal ay nagiging mas matalino at mas mataas ang grado sa paaralan at sa mga office workers, mas gaganda rin ang inyong performance sa trabaho.

2. Kailangan na katawan ang gulay at prutas — mainam sa katawan ng isang tao ang pagkain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas sa bawat araw. Sa ganitong paraan, makukuha mo ang lahat ng kailangang vitamins at minerals. Sa mga bata at sa mga payat na tao, puwede na ang isa at kalahating tasa ng gulay at prutas bawat araw.

3. Mahinang pag-inom ng tubig —Maraming Pinoy ang mahinang uminom ng tubig. Minsan tatlong baso lang sila kung uminom sa isang araw. Kailangan natin ng anim hanggang 10 baso sa isang araw. Matutulungan kasi ng tubig ang mga sakit tulad ng UTI, sakit sa bato, panghihina, constipation at pangungulubot ng balat.

4. Mahilig sa matatamis, dessert man o inumin – Ang pagkain o pag-inom ng sobrang matatamis ay puwedeng magdulot ng diabetes, katabaan at sakit sa puso rin. Limitahan ang pag-inom ng soft drinks, canned juices at iced tea. Mas piliin ang fresh fruits, green tea at tubig.

5. Extra rice, please – Ayon sa pagsusuri, ang sobrang pagkain ng kaning puti ay puwedeng magdulot ng diabetes at katabaan. Bawasan ang pagkain ng kanin at palitan ito ng gulay at prutas. Mas mainam din ang pagkain ng brown rice at wheat bread, kumpara sa kaning puti.

6. Taba, aligi, balat ng manok, lamanloob, bawal ‘yan — bawasan o kung maaari ay iwasan na lamang ang mga matatabang pagkain tulad ng lechon, crispy pata, chicharon, lamanloob, at taba ng baboy at baka.

Kung ang mantika nito ay nagiging sebo kapag nalamigan, gaanoon din ang mangyayari sa taba sa loob ng iyong katawan. Kung ayaw mong atakehin sa puso, bawa­san ang pagkain nito.

7. Sobra sa pag-inom ng kape at energy drinks –Masama sa katawan ang sobra. Puwede kayo magkaroon ng nerbiyos, palpitation at hindi pagkatulog.
May iba naman na umaasa sa energy drinks para labanan ang kanilang pagkapuyat. Mali rin po iyan. Para magkaroon ng energy, kumain nang tama, magpahinga ng sapat at umiwas sa bisyo.

8. Kulang na sa kalinisan sa katawan – Ang paghugas ng kamay ang pinaka-magandang paraan para makaiwas sa sakit. Maraming sakit ang nakukuha sa maruming kamay tulad ng pagtatae, sore eyes, typhoid fever, tuberculosis, pigsa, at iba pa. Maghugas palagi ng kamay.Kung walang tubig at sabon, gumamit ng alcohol.

9. Mag-toothbrush – Dapat din na ugaliin ang pagsisipilyo ng ngipin dahil ang bacteria sa ngipin ay nakapagdudulot ng sakit sa puso. Kaya naman simple lang ang solusyon, magsipilyo ng tatlong beses sa bawat araw at gumamit din ng dental floss upang makuha ang nakasiksik na tinga.

10. Kulang sa tulog — Kailangang mag-ingat ang mga taong kulang sa tulog at laging gumi-gimmick. Ayon sa pagsusuri, ang mga laging puyat at kulang sa tulog ay mas tumataas ang insidente ng sakit sa puso at kanser.

Kaya naman kung ikaw ay nagtatrabaho bilang night shift, kailangan ay doble ang iyong pag-aalaga sa sarili. Siguraduhing masustansya ang iyong kinakain at sapat ang iyong pahinga.

11. Ayaw magpa-check-up – Karamihan ng ugali ng mgha Pinoy ay ayaw magpa-check up sa doktor. Kailangan pang pilitin para pumunta sa clinic. Dapat na magpatingin ng maaga para malaman at maagapan ang sakit.

12. May bisyo — Napakaraming sakit ang puwedeng makuha sa nakasanayang bisyo na tulad ng alak at sigarilyo. Ang mga sakit na iyo ay sakit sa baga, kanser, ubo, hika at wrinkles sa mukha. Nakababawas din ng talino dahil namamatay ang brain cells sa labis na pag-inom ng alak. Kung gustong humaba ang buhay, iwasan o bawasan ang mga bisyo. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?