135

Dec 18, 2017 @ 18:06
By

DOH, umapela sa publiko na manood na lang ng community fireworks display

Nanawagan si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa publiko na makiisa na lamang sa community fireworks display sa halip na gumamit ng mapaminsalang paputok.

Ginawa ni Duque ang panawagan kasabay ng pag-iikot sa mga ospital sa Metro Manila para matiyak ang kahandaan sa inaasahang pagdagsa ng mga mabibiktima ng paputok.

Partikular na pinuntahan ni Duque ang Rizal Medical Center sa Pasig City, Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City at University of Sto. Tomas Hospital sa lungsod ng Maynila.

“The preparedness of all hospitals to attend to victims of fireworks-related injuries during this Yuletide Season is very important. We also reiterate our call to the public to join the community fireworks display instead of using firecrackers that can lead to injuries and even loss of life,” saad ni Duque.

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na plano rin niyang mag-ikot muli sa mga ospital sa bisperas ng Bagong Taon sa Disyembre 31.

“Let us be responsible citizens and do our part in this campaign to prevent injuries especially among children. We ask all parents to be watchful in ensuring that their children do not use exploding firecrackers such as piccolo and kuwitis all throughout the season,” dagdag ni Duque.

Nauna nang tinukoy ng DOH na target nila na makapagtala ng zero incident ng mga firecracker-related injury sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Umaasa ang DOH na mangyayari ang target ng kagawaran dahil naaprubahan na ang Executive Order No. 28 na nagtatakda ng mahigpit na panuntunan sa paggamit ng mga paputok at pailaw.

Sa ilalim ng Executive Order, pinapayagan lamang ang paggamit ng paputok sa mga community fireworks display para mabawasan ang panganib ng mga nasusugatan dahil sa paputok.

Sa pagsalubong sa taong 2017, nakapagtala ang DOH ng kabuuang 630 kaso ng fireworks-related injuries mula Disyembre 21, 2016 hanggang Enero 5, 2017. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?