157

Oct 31, 2017 @ 15:24

115 adik, graduate na ng rehab!

Nasa 115 sa ikalawang batch ng mga drug surrenderers ang nagtapos sa kanilang anim na buwang rehabilitasyon sa isinagawang programa sa Gazebo-Caloocan City Hall nitong nakaraang Linggo.

Pawang mga nagnegatibo sa drug test ang mga pasyente at binigyan ng certification mula sa City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) na patunay na ‘cleared’ na sila sa ipinagbabawal na gamot.

Una nang nagtapos ang nasa 37 pasyente na mga dating drug users sa unang batch kung saan apat sa kanila ay inialay ang sarili sa pagsisilbi sa simbahan bilang mga lay ministers.

Napag-alaman na ang mga pasyente at kanilang pamilya umano ang kusang lumapit sa pamahalaan at sa simbahan para magpasailalim sa rehabilitasyon makaraan ang sunud-sunod na pagpatay na naganap sa ilalim ng Oplan Tokhang ng pulisya.

Sa ilalim ng Community Assisted Rehabilitation and Recovery of Out-Patient Training System ng pamahalaang lungsod ng Caloocan at ng Diocese of Caloocan, unang isinailalim sa spiritual rehabilitation ang mga drug personalities sa mga simbahan ng Our Lady of Lourdes sa Camarin, Our Lady of Lujan sa Bagong Barrio at San Roque Parish sa A. Mabini. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?