By

Tax exemption ng P250K annual income, pasok sa TRAIN version ng Senado

Sharing is caring!

Hindi na pagbabayarin ng buwis ang kumikita o sumusuweldo ng P250,000 sa isang buong taon.

Ipapaloob ito sa bersyon ng Senado ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o tax reform bill na itinutulak ng Malakanyang.

Unang binalak na gawing P150,000 ang annual income na gagawing ligtas sa buwis pero iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na itaas ito sa P250,000 katulad sa inendorso ng Department of Finance at inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on ways and means at nagtatanggol sa tax reform bill sa plenaryo ng Senado, magiging exempted sa buwis ang P250,000 na kita habang bubuwisan na ang nasa labas ng halagang ito depende sa laki.

Halimbawa, kung kumikita ng lagpas sa P250,000 pero hindi lalagpas sa P400,000 ang kita, bubuwisan ng 20% ang halagang lagpas sa P250,000.

“It’s available to anybody who earns more than P250,000, unlike before na minimum wage earner exempt pero kumita man lang siya ng P10,000 over the minimum wage, yung buong halaga nagiging taxable. Ito, P250,000 mo hindi pwede galawin ng gobyerno,kahit saan ka, kahit anong income mo,” paliwanag ni Angara.

Samantala, pinanatili ng Senado sa tax reform bill ang tax exemption ng P82,000 na bahagi ng pinagsama-samang 13th month pay at iba pang bonus at ang maximum na P100,000 na dagdag na exemption para sa may hanggang apat na dependent.

Sa kasalukuyang porma ng tax reform bill ng Senado, ang sumusunod ang tax schedule na gagawing epektibo sa Enero 1, 2018 kapag naisabatas:

Over 250,000 but not over P400,000 – 20 percent of the excess over P250,000
Over P400,000 but not over P800,000 – P30,000 plus 25 percent of the excess over P400,000
Over 800,000 but not over P2 million – P130,000 plus 30 percent of the excess over P800,000
Over P2 million but not over P8 million – P490,000 plus 32 percent of the excess over P2 million
Over P8 million – P2.41 million plus 35 percent of the excess over P8 million

Kapag nasunod, sinabi ni Angara na P1 bilyon ang mababawas sa kita ng gobyerno pero babawiin ito sa pagpapataw ng buwis sa ibang paraan.

Ipinagmalaki naman ni Angara na sa balangkas ngayon ng tax reform bill sa Senado, kikita ang gobyerno ng karagdagang P159.5 billion, mas malaki ito kaysa sa target sa bersyon ng DOF na halos P60 bilyon.

Pinahaba ng Senado ang listahan ng mga papatawan ng VAT at babawasan ang mga nakalista na exempted dito,

Dodoblehin din ang documentary stamp tax na ginagamit sa mga dokumento, loan agreements at iba pang legal na dokumento. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?