54

By

Papel ni GMA sa ASEAN Summit, labag sa protocol – de Lima

Sharing is caring!

Tinuligsa ni Senadora Leila de Lima ang pagkakaroon ng malaking papel ni Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo sa idinaos na ASEAN Summit.

Malaki umano itong paglabag sa protocol dahil isinali ng mga ASEAN summit organizers si Arroyo habang hindi kasama sa mga programa si Vice President Leni Robredo.

Si Arroyo ang nagsilbing host sa welcome ceremonies para sa mga delegado sa ASEAN Summit na dumating noong Linggo kung saan dumalo sina Cambodian Prime Minister Hun Sen at Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi.

Nagtalumpati rin si Arroyo sa ASEAN Business and Investment Summit kung saan pinuri niya nang husto ang China na maituturing daw na “new world leader.”

Sinabi ni De Lima na si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at mga organizer lang ang makakaintindi kung bakit ganito ang naging sitwasyon.

Samantala, siya na rin ang nagsabi na ipinakikita ng mga pangyayari na malakas si Arroyo sa administrasyon dahil tumulong sa pagkapanalo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bumida rin umano si Arroyo dahil pareho sila ng Pangulo na may kompromiso sa China.

Inungkat nito ang NBN ZTE deal, ang Manila-Clark railway project at joint oil exploration project sa Spratlys -mga kontrata noong Arroyo administration na ipinatigil dahil binalot ng kontrobersya at katiwalian.

Nagbabala si De Lima na maaring matuloy ang mga ito at isama sa “build, build, build”program ng administrasyon kaya maari nitong ibaon ang bansa sa utang sa China.

“Loaning our future to China, as avidly endorsed by Duterte and Arroyo, is not the way forward. It is the path to national suicide.” Diin ni De Lima. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?