37

By

Lalaki sugatan sa ligaw na bala

Sharing is caring!

Sugatan ang isang lalaki nang tamaan ng ligaw na bala mula sa tatlong kalalakihang lulan ng dalawang motorsiklo na tila nagtrip at walang habas na nagpaputok ng baril sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO3 Joemir Juhan, ng Navotas City Police, alas-nuwebe ng gabi naganap ang insidente sa kahabaan ng Matambaka St., Barangay North Bay Boulevard South, ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong nakikipag-inuman sa kalye ang biktimang si Pepito dela Cruz Jr., 32-anyos, ng Block 32, Area II, Phase II, kasama ang mga kaibigan nang dumating ang mga suspek na ang isa ay nakilalang si Mark Villanueva, alyas Mac-Mac, ng nasabi ring lugar lulan ng motorsiklo kasama ang dalawa pang lalaki.

Huminto sandali ang mga ito, ilang metro lang ang layo sa pinag-iinuman ng biktima at mga kaibigan nito saka nagsibunot ng baril at walang habas na nagpaputok sa iba’t ibang direksiyon kung saan tinamaan ng ligaw na bala sa kanyang kaliwang binti ang biktima habang mabilis na nakapagtago ang iba pa.

Agad nagsitakas ang mga salarin matapos nito.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung nagtrip lang o sadyang may motibo ang mga suspek sa insidente. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?