287

Nov 9, 2017 @ 18:12
By

Huwag gumamit ng smartphone sa misa – CBCP

Umapela ang isang Katolikong obispo sa mga mananampalataya laban sa paggamit ng smartphone habang idinaraos ang misa sa loob ng simbahan.

Ang panawagan ay ginawa ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Mission, bilang paalala na ang misa ay sagrado at kailangang irespeto.

Ayon kay Bastes, walang masama sa paggamit ng modernong teknolohiya pero dapat ay gawing akma sa pagkakataon ang paggamit nito.

Mainam umano na kontrolin o pigilin ng mga mananampalataya ang kanilang sarili na gumamit ng smartphone habang sila ay nakikinig ng misa.

“As a pastor, as a bishop, I find it [smartphones] very useful that we have this because anybody has it anyway. The bad one is to abuse it to use that at the wrong time like during mass or during religious services- they have to control themselves. The Pope simple says what is to be done,” giit ni Bastes.

Dapat umanong isaisip ng mga mananampalataya na ang tahanan ng Panginoon ay dapat na irespeto kaya dapat na iwasan ang pagtetext, paggamit ng social media at pagkuha ng larawan habang dumadalo sa misa.

Kung iiwasan din umano ang paggamit ng smartphone habang nasa loob ng simbahan, mas mauunawaan at maisasapuso ang sermon ng pari. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: