153
sunog8
By

11 sasakyan ng PDEA, hotel naabo sa magkahiwalay na sunog sa QC

Tinupok ng apoy ang 11 na sasakyan na pag-aari ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang naabo rin ang isang hotel sa magkahiwalay na sunog sa Quezon City ngayong Huwebes.

Nakilala ang sugatan na si Nelia Rivera, 40, may-asawa, nakatira sa NIA Road, Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Nagtamo siya ng sugat at lapnos sa katawan dahil sa ginawang pagtakas sa nasusunog nilang tahanan.

Batay sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog dakong alas-12:20 ng tanghali na umabot sa ikalawang alarma at nagtagal ng mahigit sa isang oras bago tuluyang naapula ng ala-1:30 ng hapon .

Limang magkakadikit na tahanan na pawang gawa sa light materials ang naabo sa sunog gayundin ang 11 na sasakyan ng PDEA na nakaparada sa lugar na kinabibilangan ng dalawang SUV, dalawang van at pitong kotse.

Nabatid na ang sunog ay nagsimula sa tahanan ng isang Danilo Iglesia at Jennifer Cariaga.

Una rito ay nasunog ang Icon Hotel na matatagpuan sa No. 60 Timog Avenue, Brgy. Laging Handa dakong alas-tres ng madaling-araw (Enero 17).

Base sa report ni QC Fire Marshal Sr. Supt. Jaime Ramirez, nagmula ang sunog sa ika-anim na palapag ng electrical room.

Ayon sa arson probers, tinatayang P1 milyon ang natupok na ari-arian sa nasabing hotel.

Inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi ng dalawang sunog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?