32

Aug 14, 2020 @ 10:22
By

11 pulis-Bulacan pinasisipa ni PNP chief Gamboa

Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Francisco Gamboa ang pagkakasibak sa puwesto at paglalagay sa restrictive custody ng 11 pulis na nakatalaga sa San Jose Del Monte Police Station na umanoy sangkot sa kidnapping at pagpatay sa dalawang lalaki at palabasin na buybust operation ang naganap niotng Pebrero sa nabatid na lungsod.

Sa inilabas na statement ni Gamboa Huwebes ng gabi, sinabi nito na ang ginawa ng mga nasabing mga pulis ay personal nilang kagustuhan at walang nag-utos sa kanilang gawin ang hindi makataong pagpatay.

“I will not tolerate any wrongdoing in the service. Those accused must be made to answer for their criminal acts. In the meantime, it is best that they are relieved from duty to eliminate any suspicion of whitewash or coddling,” pahayag ni Gamboa sa kanyang statement.

Matatandaang nahaharap sa kasong kriminal ang 11 operatiba ng San Jose Del Monte City Drug Enforcement Unit (CDEU) sa Department of Justice (DOJ) dahil sa umanoy pagdukot at pagpatay nila sa dalawang lalaki at palabasin na isang lehitimong buybust operation ang nangyari noong Pebrero 18, 2020 sa kahabaan ng Pacolis Road sa Barangay Gaya-gaya ng lungsod na ito.

Subalit ayon sa mga nakasaksi na ang dalawang pinatay na lalaki ay kabilang sa anim na kalalakihan na puwersahang dinampot ng mga nasabing pulis sa bahay ng isang Edwardo Macapanas sa Towerville sa Barangay Santo Cristo gabi noong Pebrero 13.

Dahil dito ay inutusan na ni Gamboa si Police Regional Office (PRO) 3 Police Director Brig Gen. Rhodel Sermonia na isailalim sa restricted custody ang mga sangkot na pulis na nakilalang sina San Jose Del Monte City DEU chief Police Major Leo Commendador dela Rosa, Police Staff Sergeants Benjie Enconado, Jayson Legaspi, Irwin Yuson, Edmund Catubay Jr., Police Corporals Jay Leoncio, Herbert Hernandez, Raymond Bayan, Raul Malgapo at Patrolmen Erwin Sabido at Rusco Madla upang masiguro na handa silang humarap anumang oras kapag ipinatawag sila ng DOJ para sa gagawing imbestigasyon.

Ginawa din ang administrative relief sa mga nasabing mga pulis upang hindi nila maipluwensyahan ang gagawing imbestigasyon ng kaso laban sa kanila.

Nangako naman ang PNP ng kooperasyon para sa gagawing imbestigasyon ng kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?