196

Dec 19, 2017 @ 16:20
By

11 kalsada, ‘di madaanan sa Regions 8 at 4B dahil kay ‘Urduja’

Labing-isang mga bahagi ng national road ang sarado sa Eastern Visayas at MIMAROPA dahil sa baha, landslide, nasirang spillway, napinsalang tulay at bumigay na mga detour bridge na epekto ng bagyong Urduja.

Ayon sa ulat ng Department of Public Works and Highways-Bureau of Maintenance (DPWH-BOM), apat na kalsada ang hindi madaanan ng mga motorista sa Biliran at kabilang dito ang Naval-Caibiran Cross Country Road, Naval-Calumpang Section, bahagi ng Biliran-Naval Road na dumanas ng pinsala sa retaining wall at landslide, pati na ang Naval-Almeria Road na apektado rin ng pagguho ng lupa.

Sarado rin ang Biliran-Naval Circumferential Road dahil sa pinsala sa Catmon Bridge at Caray-caray Bridge, dahil dito, pinapayuhan ang mga maliliit na sasakyan na dumaan sa Caibiran-Cabucgayan Section bilang alternatibong ruta.

Sa Leyte, limang kalsada ang hindi madaanan kabilang na ang Mainit-San Miguel-Santol-Carayray Section-Taghawili Bridge dahil sa baha; Bagahupi-Babatngon-Sta. Cruz-Barugo-Carigara Road dahil sa landslie; Jaro-Dagami-Burauen-Lapaz dahil sa nasirang spillway; Libungao-Matag-ob-Palompon Road at Kananga-Tungonan Spring Road dahil sa landslide.

Sa MIMAROPA, hindi pa rin madaanan ang Dr. Damian Reyes Memorial Road Boac Side sa Marinduque at Sibuyan Circumferential Road, Tinimbawan Bridge Detour Bridge sa Romblon dahil sa road slip at sa nasirang detour bridge. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?