120

Jan 2, 2018 @ 16:16
By

11 kabataan nakapuga sa youth center ng Bagong Taon

Nakatakas ang may 11 child in conflict with the law (CICL) sa Bayan Sandigan Youth Center na sinamantala ang ingay ng putukan sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa ulat ni PSSupt. John Chua, hepe ng Malabon City Police, alas-12:00 hanggang alas-12:30 ng hatinggabi nang tumakas ang 11 youth offenders na nasa 11 hanggang 16 ang mga edad.

Puwersahan umanong sinira ng mga tumakas na teenagers ang main gate ng nasabing lugar na matatagpuan sa Barangay Longos ng nasabing lungsod na hindi umano napansin ng mga naka-duty na security guards.

Ilang oras pa ang lumipas bago tuluyang nalaman na may nakatakas na pala.

Kahapon ng tanghali nang isang 16-anyos na residente rin ng nasabing lugar ang kusang ibinalik ng kanyang mga magulang habang nasa 10 pa ang tinutugis ng pulisya.

Karamihan sa mga batang tumakas sa youth center ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang ang iba ay nahaharap naman sa robbery hold-up, pagnanakaw at paggamit ng solvent. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?