124

Sep 7, 2020 @ 13:36
By

11 anyos ni-rape, pinatay, sinako umano ng kanyang ‘tito’

Ang 11-anyos na babae sa Rosario, Cavite na unang naiulat na nawawala ay natagpuang nakasako at wala nang buhay sa labas ng bahay ng hinihinalang suspek.

Kinilala ang biktima na si Louiza Hil­lera na residente ng Dreamland, Brgy. Muzon 2 ng nasabing bayan.

Ayon sa nanay ng bata na si Chona Alano, Linggo o Agosto 30 ay nagsabi ang anak na pupunta sa computer shop. Hindi na ito bumalik.

Umaga matapos iyon, may nagsabi aniya sa kanila na nakausap nila si Louiza noong nakaraang gabi.

Sabi raw ng bata, inutusan siya ng kanyang “Tito Lery” na bumili ng yelo. Ang tinutukoy ay si Lery Arguelles, isang kakilala at close friend ng pamilya nila Louiza.

“May nag-report sa amin, Lunes na, sabi ng kapitbahay, may narinig kaming nasigaw ng ‘tulong, tulong’,” sabi ni Chona sa ulat ng ABS-CBN News.

Dahil dito’y kinulong ng barangay si Lery pero pinalaya rin agad dahil natakot ang barangay na makasuhan sila ng illegal detention gayong wala pa umanong sapat na ebidensiya sa krimen.

Martes ng umaga, Setyembre 1, binalikan nina Chona ang bahay ng suspek.

Nakabaon sa lupa sa labas ng bahay ni Lery ang nakasakong bangkay ni Louiza na lawit ang dila, walang damit pang-ibaba, at may marka aniya ng sakal.

Napagtanto rin noon na wala na sa lugar ang suspek.

Samantala, sinabi ng pulis Cavite na kinasuhan na nila ng rape with homicide si Arguelles.

Inalerto na rin umano ang mga kalapit-lugar, maging ang NCR, para agad na matunton ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?