24

By ,

10th double-double ni Arboleda pinambala ng Munti versus P’que

Sharing is caring!

Hindi mapigil ang pagragasa ng Muntinlupa Cagers at Imus Bandera sa magkahiwalay na panalo sa MPBL Datu Cup Huwebes ng gabi sa Imus Sports Complex.

Naalpasan ng Cagers ang Parañaque Patriots 77-76 para panatilihing malinis sa 7-0 ang marka sa Southern Division.

Tangan ng Muntinlupa ang 31 puntos na kalamangan sa third canto pero unti-unti itong nilusaw ng Patriots.

Sa Iskor na 73-50 sa huling pitong minuto, humigpit ang depensa ng Patriots kaya nakahabol ang mga ito sa huling minuto.

Naka-tres si Ryusei Koga at nakasikwat ng bola, nagsalpak naman ng dalawang free throw si Ivan Valenzuela para makuha ang kalamangan 77-74 sa huling limang segundo.

Nagbigay ng foul si Koga kay Chito Jaime pero isa sa dalawang free throws lamang ang pumasok sa mga ito at tuluyang naselyuhan ng Cagers ang panalo.

Naging alas ng Cagers si Harold Arboleda na pumoste ng kanyang ika-10 double-double sa likod ng 21 puntos at 10 rebounds.

Aminado naman si Muntilupa coach Aldrin Morante na naging relax at kumpiyansa ang kanyang tropa nang makasikwat ito ng malaking kalamangan at sinisi niya rin ang sarili sa paggamit ang iba’t ibang kumbinasyon gaya ng pagbibigay ng mas maraming playing time sa second stringers.

Sa ibang laro naman, nagpapatuloy ang winning streak ng Imus sa apat na laro nang padapain ang Pampanga Lanterns 88-76 para maingat nito sa 5-3 ang kartada.

Bago pa makuha ng Bandera ang panalo ay inalpasan muna nito ang 36 na puntos na ginawa ni Juneric Baloria, na ngayon ang bagong all-time record for most point sa isang laro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?