156

Oct 4, 2017 @ 15:08

100 pamilya nasunugan sa Caloocan

Nasa mahigit 100 mga pamilya ang nawalan ng kanilang mga tirahan matapos maabo sa isang sunog na sumiklab sa kanilang lugar sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng hapon.

Ganap na alas 4:30 pasado ng hapon nang sumiklab ang sunog sa bahay ng isang Lina Catacutan sa Barangay 36 ng nasabing lungsod.

Naging pahirapan sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang mga fire and rescue brigade na maapula ang apoy dahil sa makikipot na daanan at may kalakasang hangin ng mga oras na nagaganap ang sunog.

Agad na kumalat ang apoy dahil sa karamihan sa mga kabahayan sa lugar ay gawa sa mga light materials, umabot ng mahigit dalawang oras bago idineklarang fire under control ang sunog.

Nasa tinatayang mahigit 1.5 milyong pisong halaga ng mga ari-arian ang naabo sa nasabing insidente, ang nasa 100 mga pamilya naman na nawalan ng tirahan ay pansamantalang mamamalagi sa evacuation area na agad ding binigyang ayuda ng lokal na pamahalaan ng lungsod sa paguutos na rin ng alkalde na si Mayor Oca Malapitan.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng pagsisiyasat ang mga awtoridad upang malaman kung ano ang pinagmulan ng apoy. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?