37

Feb 17, 2021 @ 17:42
By

100% libreng dialysis sa mga senior citizen inihain sa Senado

Naghain si Senadora Risa Hontiveros ng Senate Bill No. 2053 na naglalayong gawing 100% free ang kumpletong 144 dialysis session sa lahat ng senior citizen na may problema sa kidney.

Sa “Free Dialysis for Senior Citizens Act of 2021” layon nito na i-reimburse ang lahat ng dialysis session na kailangan ng mga senior citizen sa mga accredited na ospital o free-standing dialysis center sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

“Dialysis has become the lifeline for so many of our senior citizens. It is already difficult to grow old, pero doble ang hirap ng mga lolo’t lola na kailangan ding magpa-dialysis. We should help ease the burden,” sabi ni Hontiveros.

Binigyang-diin nito ang stress ng mga senior citizen sa panahon ng pandemya kung saan vulnerable at kapos sa pinansiyal.

Sa kasalukuyan, sakop lang ng PhilHealth ang 90 dialysis session subalit sa ilalim ng panukala ni Hontiveros, nais niyang gawin itong 144 session para sa isang kumpletong taon ng paggamot.

“Ang mga lolo’t lola natin ang isa sa pinaka-bulnerableng grupo ngayong pandemya. P500 lang ang natatanggap nila bawat buwan sa social pension nila, at ‘yung mga kaya namang magtrabaho, hindi makalabas dahil sa health restrictions,” sabi ni Hontiveros.

Kinakailangan may P135,000 ang isang pasyente na may kidney disease para makumpleto ang lahat ng sesyon sa isang taon.

“Alalahanin din natin na hindi lang dialysis ang binabayaran nila at ng kanilang mga pamilya. May economic crisis din tayo, and, as it is, hirap na hirap ang pamilyang Pilipino na bumili ng pagkain,” ani Hontiveros.

“Paano pa kaya ang dialysis ni lolo’t lola? Karapatan din nilang maging healthy. ‘Wag natin silang pabayaan,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?