15

10 tulak nagdiwang ng Pasko sa piitan

Sa kulungan nagselebra ng Pasko ang 10 katao na kinabibilangan ng dalawang babae at walong lalaki matapos na madakip sa patuloy na isinasagawang anti-drug at anti-crime operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District.

Nakilala ang mga suspek na sina Evelyn Morillo, 52; Monica Fabrigas, 36; Ar-jay Yap, 25; Allan Ng, 42; Gonzalo Morales Jr., 40; Kenneth Fuentes, 28; Renato Flores, 34; Mayella Natividad, 26; Francis Mullon; at Hadrian Bantolinao, 19.

Ayon kay P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., director ng QCPD, naaresto ang mga suspek ng kanyang mga tauhan dakong alas-12:00 hanggang alas-kuwatro ng madaling-araw sa magkakasunod na buy-bust operation.

Mismong mga residente ng Quezon City ang nagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad dahil sa ayaw pa ring tumigil sa pagbebenta ng bawal na gamot ng mga suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 100 plastic sachet na naglalaman ng droga at nagkakahalaga ng P200,000 at iba’t ibang drug paraphernalia.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?