144

Nov 6, 2017 @ 13:01

10 sugarol nasakote sa raid

Umabot sa 10 na katao ang nalambat sa isinagawang raid sa tatlong barangay matapos makatanggap ng sunod-sunod na reklamo ang pulisya at barangay kaugnay sa pag-iingay ng mga iligal na nagsusugal kamakalawa sa Pasig City.

Kulong sa Pasig detention cell sina

Wilfredo Mendoza y Sunga, Julito Misa y Gumial, Angelino Avero y Medina, Ceazar Loper y Medina, pawang mga residente ng Barangay Rosario; Ronnie Bobiles y Palomar, Antonio Taduran y Ocbian, Ronaldo Santos y Reyes, pawang mga residente ng Barangay Santolan at sina Ramil Cabunag y Bacoto, Jimboy Obiena y Jabolin at Rodelo Senado y Hernandez, pawang mga residente naman ng Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director SSupt. Romulo Sapitula, agad na kumilos ang Pasig police dahil sa reklamo ng concerned citizens kaugnay sa pag-iingay at pagsusugal ng mga suspek.

Unang nagsagawa ng raid ang pulisya bandang alas-11:00 kamakalawa ng umaga sa Villa Cuana, Phase 3, Riverside, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City matapos makatanggap ng reklamo na may nagaganap umanong sabungan ng manok sa nasabing lugar kung kaya nagsisigawan umano ang mga mananaya.

Tila nakatunog ang mga sabungero dahil wala na ang mga ito sa nasabing lugar at nang mag-ikot ay nakita ang tatlong suspek na naglalaro ng pusoy at agad na silang dinampot.

Samantala, bandang ala-1:45 kamakalawa ng hapon nang mag-raid muli ang pulisya sa pangunguna ng PCP 7 sa Sto. Niño St., Tawiran, Barangay Santolan, Pasig at naaresto sina Bobiles, Taduran at Santos na nagsusugal ng tong-its.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang set ng baraha at P540 cash na pustahan.

Bandang alas-5:30 naman ng hapon nang magsagawa muli ng pagsalakay sa West Bank Road, Barangay Rosario dahil sa labis na pag-iingay ng mga miron sa paligid kung kaya inireklamo na ito sa pulisya at apat ang nadampot.

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling act ang 10 na suspek. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?