140

Nov 27, 2017 @ 20:44
By

10% ‘retoke tax’ aprub sa Senado

Matapos ang mahabang pagtatalo, nagkasundo ang mga senador na patawan ng 10 porsyentong excise tax o vanity tax ang cosmetic surgeries.

Halimbawa nito ang pagpapalaki ng dibdib, pagpapabanat ng mukha, pagpapatangos ng ilong, pagpapabawas ng taba at pagpapabago ng kulay ng balat.

Hindi naman papatawan ng vanity tax ang reconstructive surgery gaya ng pagpapaayos ng mukha o anumang bahagi ng katawan kung naaksidente at ang pagpapaayos ng bingot.

Sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN) o tax reform bill mula sa Malacanang, 20 porsyento ang gustong ipataw sa cosmetic surgery o tinatawag na vanity tax.

Sa plenary debates, iginiit Senate President Pro Tempore Ralph Recto na huwag nang patawan ng excise tax ang cosmetic surgery dahil hindi pinapatawan ng ganitong uri ng buwis ang ganitong serbisyo.

Pabiro nyang sinabi na wala siya ritong personal na pakinabang dahil hindi kailangang magparetoke ng maganda niyang asawa na si Batangas Rep. Vilma Santos-Recto.

Kinampihan si Recto ni Senador Richard Gordon na nagbigay diin na kailangang hikayatin dito ang medical tourism o ang pagdayo rito ng mga dayuang magpaparetoke kaya hindi dapat tumaas ang presyo nito bunsod ng buwis.

Umalma si Senate minority leader Franklin Drilon na nagbigay-diin na hindi patas para sa mga ordinaryo at mahihirap na mamamayan ang pagpapalibre sa buwis sa mga taong may pera at kayang gumastos sa luho na gaya ng cosmetic surgery.

“Hindi ko po matatanggap na ang mahihirap ay bubuwisan sa pamamagitan ng excise tax sa petrolyo samantalang hindi bubuwisan ang mga magpapalaki ng suso!,” pahayag ni Drilon.

Inungkat pa nito na mayroon nang kumita ng napakalaki dahil sa cosmetic surgery at gumastos ng napakalaking halaga sa kasal sa Paris.

Matapos ang mahabang pagtatalo at sanay nominal voting, iminungkahi ni drilon na gawing 10 percent ang vanity tax o buwis sa cosmetic surgery.

Tumawad si Recto para gawin itong 5 percent na hindi pa rin sinang ayunan ni Drilon hanggang sa nauwi sila sa 10 porsyento.

Noong nakaraang linggo, tinanggal sa tax reform bill ang probisyon ukol sa vanity tax pero ibinalik dahil sa pagpalag ni Drilon.

Samantala, bahagi pa rin ng tax reform bill, inarubahan ng Senado ang two-tier excise tax structure para sa sasakyan.

Kapag ang presyo ng sasakyan ay P1 milyon paaba, 10 percent ang excise tax habang 20 percent ang buwis kapag P2 milyon pataas ang halaga ng sasakyan.

Makakalikom umano rito ang gobyerno ng hanggang P16 bilyon sa unang taon ng implementasyon. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?