10,273

Nov 26, 2017 @ 14:52
By

10 prutas na epektibong pampapayat

Alam nating lahat na ang prutas ay masustansya. Taglay ng prutas ang maraming bitamina, mineral at nutrients na kailangan ng ating katawan para tayo ay maging malakas at malayo sa sakit.

Ang prutas din ang pinaka-mabisang kainin ng mga gustong magbawas ng timbang. Dahil sa mababa nitong calories at sa dami ng water content na kadalasang katangian ng prutas, mabilis itong makabusog kaya naiiwasan ang paghahangad sa pagkain ng marami. Nakatitiyak din na iwas bad cholesterol sa tuwing prutas ang kinakain.

Alam n’yo bang ito ay pinakamabisang kainin kapag empty stomach tulad sa umaga habang wala pang ibang pagkain na nailalaman sa tiyan.

Kung kakainin ang prutas sa ibang oras bukod sa umaga, huwag itong isabay sa meal. Sa dahilang mabilis matunaw ang prutas kumpara sa ibang pagkain, mas nakukuha at nagagamit ng katawan ang mga sustansyang galing sa prutas kapag hindi ito isinabay sa heavy meal.

Narito ang ilang mabisang prutas na kailangan ng katawan:

1. Pakwan – Ang saktong prutas para sa mga nagbabawas ng timbang. Mataas ang water content, mababa ang calorie at nagtataglay ng arginine-isang uri ng amino acid na tumutulong sa pag-burn ng fat. Sa pagkain ng watermelon bukod sa napananatiling hydrated ang katawan, nararamdaman ang kabusugan sa mahabang oras kaya nakakaiwas sa mga unhealthy snacking.

2. Abocado – Ang avocado ay masasabing “best fruit for weight loss” dahil sa katangian nitong mataas sa fiber at mababa sa carbohydrates. Bukod sa masarap ay maganda rin ang naidudulot ng avocado sa kalusugan ng puso. Tumutulong din ito sa magandang metabolismo at nagbibigay ng sapat na enerhiya sa katawan. Ang regular na pagkain ng avocado ay makatutulong para manatiling fit at healthy ang isang nagpapapayat.

3. Pinya – Mayaman sa antioxidants, enzymes, minerals, at vitamins ang pinya. Kung bakit sinasabi na isa ito sa mga prutas na dapat kainin ng mga nagpapapayat ay dahil sa ligtas ito sa cholesterol at fat.

4. Mansanas – Mansanas ang maaasahan at maglalayo sayo sa cancer at iba pang sakit, magpapanatili sa malusog na puso, magpapaputi sa iyong ngipin, magpapalakas sa iyong immune system, at mag-aayos ng digestive problems. Kung pagpapapayat ang pag-uusapan, ang mansanas ay kailangang nasa iyong listahan at dapat ibilang sa mga dapat kainin ng regular. Walang anumang fat at sodium at may sapat lamang na calorie para masuportahan ang tamang diet.

5. Bayabas- Mababa sa calorie at fats, ma-fiber at napakaraming mahahalagang bitamina, mineral, at antioxidant ang bayabas. May kakayahan din itong magsaayos ng panunaw at pagdumi, bagay na kailangan para sa epektibong pagbabawas ng timbang.

6. Saging- Kung instant energy ang hanap para magkaroon ng bagong lakas pagkatapos ng mabigat na workout, saging ang pinaka-best na kaining prutas. Naiiwasan din ang muscle cramps, tumutulong maging normal ang blood pressure, humahadlang sa acidity at naisasaayos din ang pagdumi kapag nasa diet ang saging.

7. Oranges- Para sa mga istrikto ang diet at naghahanap ng masustansyang meryenda, orange ang sasakto sa panlasa. Ang isang 100 grams na orange ay nagtataglay ng 47 calories, may tamang tamis para sa mga dieter na nagnanais kumain ng something sweet.

8. Kamatis-Tama, ang kamatis ay isang uri ng prutas na importanteng nasa listahan ng mga dapat kainin ng mga nagpapapayat. Bukod sa mayaman ito sa antioxidants, malaking bagay ang naitutulong ng pagkain ng kamatis para ma-satisfy ang panlasa at manatiling busog sa loob ng mahabang oras. Mababa lamang ang calorie nito at maraming water content. Siguradong maganda ang maibibigay sa katawan lalo na sa mga nagbabawas ng timbang.

9. Peras- Ang peras ay maganda sa digestive system o sistema ng panunaw dahil sa mga fiber nito. Napapanatili rin ang kabusugan sa mahabang oras kapag ito ang kinain. Bukod sa malaking maitutulong ng prutas na ito para sa mga nagpapapayat, napapababa nito ang level ng cholesterol, nababawasan ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso at naiiwasan na madevelop ang diabetes. May taglay din na Vitamin C ang peras.

10. Lemon- Ang kombinasyon ng lemon at honey na iinumin sa umaga ay isang natural detoxifier na makatutulong sa  pagpapapayat. Ang isang kutsaritang honey at 2 kutasaritang katas ng lemon na inihalo sa isang baso ng maligamgam na tubig ay tamang inumin sa umaga habang wala pang laman ang tiyan. Mainam inumin ng mga nagpapapayat, isang alkaline food na magpapanatili ng energy bukod sa iba pang bitamina at mineral na kayang ibigay ng lemon. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?