39

Jul 22, 2021 @ 18:10
By

10 Pinoy sa Indonesia dedo sa COVID

Sampung Pilipino ang hindi nakaligtas sa bagsik ng COVID-19 sa Indonesia, ayon kay Philippine Ambassador to Indonesia Lee Hiong Wee sa press briefing sa Malacañang.

Ayon kay Ambassador Wee, ngayong Hulyo lamang naitala ang kanilang pagkasawi.

Gayunman, hindi binanggit ni Wee kung ang mabagsik na Delta COVID variant ang tumama sa mga biktima.

“As of the last count, iyong Pilipino nating nagka-COVID are about ten. In July, there were ten died of COVID, and three had been reported to the embassy,” ani Ambassador Wee.

Mayroong tinatayang anim hanggang walong libong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Indonesia.

Kasalukuyang namamayagpag sa pag-atake ang Delta variant sa Indonesia kung saan umabot hanggang 55,000 kada araw ang tinatamaan ng virus subalit nitong Miyerkules, Hulyo 21 ay bumaba ang bilang sa 34,000.

Sinabi ni Ambassador Wee na hiniling niya sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na pabalikin sa Pilipinas ang mga Pilipino sa naturang bansa para makaligtas sa peligro ng Delta variant dahil ang karamihan sa mga ito ay tapos na ang kontrata sa kanilang trabaho.

Ang Indonesia ay kabilang sa mga bansang nasa travel restrictions ng Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?