134

Dec 9, 2019 @ 15:58
By

10 pang ‘ninja cop’ binabantayan ng PNP

Minomonitor ngayon ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang sampung “ninja cops” na diumano’y kasama ng isang retiradong pulis na napatay sa isang buy-bust sa Quezon City.

Ayon kay PNP-IMEG spokesperson Maj. Robert Reyes, mayroon pang sampung pulis na kasama ang napatay na si retired Corporal Tirso Agustin Lactaotao, dating nakatalaga sa intelligence group ng Rizal Police Provincial Office (PPO).

Si Lactaotao ay napatay ng mga tauhan ng IMEG sa isinagawang buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City kaninang madaling araw matapos umano itong manlaban at makipagpalitan ng putok sa kanyang mga kabaro.

Sa media interview sa Camp Crame, sinabi ni Reyes na ang mga pulis na kasama ni Lactaotao ay mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO), Region 3 at Region 4-A na kanila ngayong target sa Case Operational Plan o Coplan.

“’Yun din po yung focus na trabaho namin doon sa internal cleansing, to get rid yung mga police scalawags then isinama namin yung war on drugs so we focus yung aming coplan doon,” ani tagapagsalita ng PNP-IMEG.

“May mga ibang unit na nagse-savings, siya (Lactaotao) naman ‘yung nagdi-distribute. ‘Yung iba hindi sila mismo ang nagpo-front na sila mismo ‘yung nagdi-distribute kasi meron silang taga-distribute,” dagdag pa niya.

Nilinaw naman ni Reyes na hindi organisado ang sindikato ng mga naturang pulis, kundi magkakakilala lang na nagtatanungan kung sino ang may droga na gustong ipa-dispatsa.

“Magkakakilala lang sila pero ‘di matatawag na organized na sindikato, na mayroong pang-dispose na iligal na droga, so ‘yun, nagtatanungan sila,” saad ni Reyes.

Dahil sa pagkamatay ni Lactaotao, hayag ni Reyes na posibleng mag-lie low muna ang mga kasamahan nitong pulis sa kanilang iligal na aktibidad dahil alam nila na malalambat sila ng PNP-IMEG.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?