268
train-poor-fam
Jan 8, 2018 @ 19:44
By

10 milyong mahihirap, sasaklolohan sa epekto ng TRAIN

Para hindi maramdaman ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) sa pinakamahihirap na sektor, naglaan ang gobyerno ng P25.7 bilyon para sa 10 milyong benepisyaryo ng cash transfer program ng pamahalaan.

Sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, layon ng hakbang na maprotektahan ang mga pinakamahihirap na Pilipino sa bahagyang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin dahil sa TRAIN.

Ang pondo aniya ay idadaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang nangangasiwa sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sinabi ni Dominguez na ngayong 2018 ay tatanggap ng karagdagang P2,400 ang mga benepisyaryo ng 4Ps, habang P3,600 naman sa 2019 at 2020.

Ipapatupad ang dagdag subsidiya sa unang quarter ng 2018.

“To protect the poor and vulnerable from the impact of these moderate increases in prices due to the increase in oil excise, DSWD is mandated to provide targeted cash transfers to the poorest 10 million households. The DSWD will identify the beneficiaries based on the listahanan, the Pantawid Pamilyang Pilipino Program, and the social pension beneficiaries,” ani Dominguez.

Iginiit ng kalihim na hindi “anti-poor” ang TRAIN, dahil ang malilikom na pondo mula dito ay gagamitin para pondohan ang pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan sa mga pampublikong paaralan, o kaya ay para mag-hire ng 2,685 na mga bagong pampublikong guro.

Popondohan din sa pamamagitan ng TRAIN ang pagpapatayo ng mahigit 60,000 na mga rural health units; 484,326 na mga barangay health stations; 1,324 na mga provincial hospital; mga bagong kalsada; pagkumpuni ng mga tulay o kaya ay para magkaroon ng patubig sa mahigit dalawang milyong ektarya ng sakahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , ,