79

Jan 14, 2021 @ 16:10
By

10 mga residente ng QC nakasabay bagong Covid variant carrier sa flight

Sampung residente ng Quezon City (QC) ang nakasabay sa eroplano ng pasyenteng nagpositibo sa bagong Covid-19 variant.

Ayon kay Dr. Rolly Cruz, head ng QC Epidemiology and Surveillance Unit, nagsasagawa na ng contact tracing ang kanilang lokal na pamahalaan hinggil sa sampung pasahero na ito.

“Late last night, na-receive na natin ‘yung manifesto wherein 10 Quezon City residents are included doon sa manifesto so we are undergoing contact tracing right now doon sa sampu na ‘yun,” aniya sa isang pahayag.

“Technically dapat naka-quarantine pa po sila ngayon dahil [Jan. 7] lang naman ‘yung dating nila dito. Inaalam kung nasaan sila ngayon,” dagdag pa niya.

Ayon sa Department of Health, isang 29-anyos na lalaki mula QC ang nagpositibo sa bagong strain na ito.

Lumipad ang hindi pinakilalang lalaki patungong Dubai noong Disyembre 27 ng nakaraang taon at bumalik sa bansa noong Enero 7 sakay ng Emirates Flight No. EK 332.

Ani Cruz, nasa maayos na kalagayan na ang pasyente ngunit patuloy pa rin ang pag-inom ng mga antibiotic nito dahil sa pneumonia.

“Kausap namin siya kagabi, okay naman siya kaya lang noong na-Xray namin siya, mayroon siyang pneumonia kaya continuous ‘yung kanyang antibiotics,” wika niya.

“Siyempre nagwo-worry siya kasi sinabi na natin sa kanya kagabi na mayroon siya noong bagong variant. Nagtatanong siya kung anong extra na gamot ang ita-take… Sa pagkakausap namin sa kanya, wala na siyang ubo. Maayos na ‘yung kanyang pananalita,” dagdag pa nito.

Nauna nang napaulat na mas nakakahawa ang naturang variant na nagmula sa United Kingdom.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?