33

Mar 1, 2020 @ 17:19
By

10 Japan cruise ship repatriate nakitaan ng sintomas ng coronavirus – DOH

Umakyat na sa 10 ang mga Pinoy repatriate mula sa Diamond Princess cruise ship na nagpapakita ng sintomas ng coronavirus.

Ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire sa GMA News TV, nasa ospital na sa Pampanga ang 10 repatriate, kung saan pito na ang negatibo sa COVID-19.

“Sampu po sila na nagkaron ng mga sintomas at dinala sa ating referral hospital sa Pampanga… Pito na sa kanila ang lumabas ang lab results at ito ay negatibo. Tatlo na lang po ang inaantay nating resulta sa ngayon,” ayon kay Vergeire.

Nasa stable condition naman umano ang 10 repatriate, na dumanas ng sore throat at ubo habang naka-quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ngunit kinumpirma naman ni Vergeire na 86 na ang Pinoy na nagkaroon ng coronavirus sa ibang bansa matapos na makumpirma ang kaso sa Singapore.

16 naman sa 80 Pinoy na sumakay sa Diamond Princess na dumaong sa Japan ang nakalabas na sa ospital.

“So we are left with 64 na naka-admit pa rin sa iba’t ibang ospital sa Tokyo. Meron tayong dalawa sa United Arab Emirates, meron tayong dalawa sa Hong Kong, at meron din tayong dalawa sa Singapore,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?