265

Dec 19, 2017 @ 15:00
By

10 environment-friendly buses, aarangkada na sa Pasig

Sinimulan na ang pag-iikot ng may 10 environment-friendly buses na magbibigay ng ligtas at maayos na pagbibiyahe sa mamamayan, partikular na sa mga residente ng Pasig City.

Kaugnay sa programang labanan ang air pollution at itaguyod ang environment-friendly vehicles, nais ni Mayor Bobby C. Eusebio na maging ligtas at maayos ang kalusugan ng mamamayan dahil batid nito ang lumalalang polusyon sa bansa.

Nabatid na ang 10 environment-friendly buses ay magbibigay ng libreng sakay na mula sa Barangay Pinagbuhatan patungo sa city hall, vice versa.

Partikular na mapakikinabangan ito ng mga empleyado ng gobyerno mula alas-sais hanggang alas-8:30 ng umaga at alas-tres hanggang alas-4:30 ng hapon.

Habang bukas naman ito sa iba pang pasahero mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-10:00 at alas-tres ng hapon hanggang alas-singko ng hapon.

Ang 10 air-conditioned buses ay mula sa proyekto ng local government ng Pasig na nilaanan ng P3-M ang bawat isa.

Libre sa unang dalawang buwan ang nasabing green buses at sisimulan na ang pagbabayad ng limang piso bawat pasahero sa bawat biyahe.

Samantala, una nang sinimulan ng City Government of Pasig ang pag-turnover ng may 33 electric tricycle (E-Trike) sa ilang barangay at sa ilang opisina.

Layunin nito na palakasin ang kampanya sa pangangalaga ng kapaligiran. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?