28

May 23, 2020 @ 8:24
By

10 Barangay sa Navotas muling isasailalim ng 9 na araw sa ECQ

Matapos ilagay sa extreme enhanced community quarantine ang 18 barangay sa Navotas City, ibinalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang 10 barangay sa lungsod dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng COVID-19.

Simula kaninang 5:10 ng umaga nasa ECQ ang mga Barangay NBBS Dagat-Dagatan, NBBS Ksunlaran, NBBS Proper, San Jose , NBBN, Sipac Almacen, Daanghari, Tangos North, Tangos South at San Roque at magtatapos ito sa Mayo 31 ng 11:59 ng gabi.

Ayon sa Regional Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases-National Capital Region (RIATF NCR), ang mga barangay na ito ang may pinakamataas na bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.

Sa Executive Order No. TMT-030, inilatag ni Mayor Toby Tiangco ang mga patnubay para sa mga residente ng mga barangay na nasa ilalim ng ECQ. Binigyan niya ng diin ang mahigpit na pagpapatupad ng polisiya sa home quarantine pass (HQP).

Aniya, “Isang miyembro lang ng sambahayan ang maaaring gumamit ng HQP. Hindi na pwedeng magbigay ng bagong HQP ang barangay,” dagdag pa niya, “Tanging mga may hawak ng HQP ang makalalabas sa nakatakdang iskedyul ng kanilang barangay.”

Ang Navotas ay nagpapatupad ng barangay-based na market schedule.

Ang mga may hawak ng HQP sa Barangay San Rafael Village, NBBS Kaunlaran, Bangkulasi, Bagumbayan South, Navotas East, Sipac-Almacen, Daanghari, Tangos North, at Tanza 1 ay makalalabas ng bahay para mamili ng pangangailangan kapag Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Sa kabilang banda, ang mga residente ng Barangay NBBS Proper, NBBS Dagat-Dagatan, NBBN, Bagumbayan North, Navotas West, San Jose, San Roque, Tangos South, at Tanza 2 ay makalalabas lamang kapag Martes, Huwebes at Sabado.

Ang mga pamilihang bayan ay nakasara pag Linggo para sa paglilinis at disinfection.

“Ang mga essential workers o exempted ng IATF, kabilang ang mga nagtatrabaho sa Philippine Fisheries Development Authority, ay maaaring pumasok sa trabaho pero dapat dala nila ang kanilang valid company ID o certificate of employment,” saad ni Tiangco.

Iniutos din niya na lahat ng aalis sa bahay ay dapat nakasuot ng face mask na natatakpan ang ilong at bibig, sumusunod sa 1 o 2 metrong physical distancing at umiwas na makipagkumpulan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?