8

Jan 15, 2021 @ 15:23
By

10 anyos palabasin na rin sa bahay – DTI

Kailangan na umanong unti-unting luwagan ng gobyerno ang age restriction nito sa mga taong pwedeng lumabas ng bahay habang may pandemya.

Sabi ito ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na sinuportahan ang panawagan ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na palabasin na rin ang mas maraming bata.

Punto ng nauna, dahil sa mga paghihigpit sa edad ay nabawasan ang demand para sa mga negosyo kahit pa maraming sektor na ang nagbalik-operasyon matapos ang lockdowns.

“Hindi po masama namang i-consider ang pagpalawak ng age segment na papayagan na din lumabas. So kunwari ngayon, 15 years old ang pinakabata, pwede natin unti-untiin, maybe 10 years old,” wika ni Lopez sa Laging Handa briefing, Biyernes.

“Kung tayo po ay nagnanais makabalik at maka-recover ang ating ekonomiya, kailangan talagang dahan-dahanin din natin ang pagluwag pagdating sa age restriction,” dagdag niya.

Sa ngayon, ang pinapayagan lang ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na lumabas ng bahay ay ang mga indibidwal na edad 15 hanggang 65.

Hinayaan din ng IATF ang mga lokal na gobyerno na i-adjust ang paghihigpit sa edad sa kani-kanilang nasasakupan depende sa lagay ng COVID-19 doon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?