31

Oct 8, 2020 @ 12:25
By

1 taon bago halalan! Budget ang tutukan, hindi speakership – Policarpio

Sa tinatalakay na panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon makikita kung sinu-sino ang mga politiko na tatakbo uli sa Halalan 2022.

Ayon ito kay Jimmy Policarpio, na dating chief of staff ni yumaong Senador Ernesto Maceda.

Dahilan niya, sa panayam sa One News PH, “performance of any elected official will only be shown starting one year before the scheduled elections, which in this case is 2021.”

Binigay niyang halimbawa ang panukalang P11.2-bilyong public works fund ng Taguig-Pateros na pinamumunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

“Ano ibig sabihin nito? Speaker Cayetano has P11 billion to distribute when he has filed for a higher office. Parang naka-park ‘yun don sa DPWH (Department of Public Works and Highways), naka-park ‘yung another P2 billion or P5 billion sa DEO (District Engineering Office).”

Kinumpara niya rin ito sa 2020 budget ng parehong lugar na P7 bilyon lang.

Kaya giniit ni Policarpio na ang dapat na tutukan ngayon ay hindi kung sino ang magiging House Speaker kina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, kundi anu-ano ang mga nakasaad sa proposed P4.5-trillion national budget.

“So the focus is not really on who is going to be the next Speaker; the focus is, ‘What is in the budget [bill] that these people, incumbent officers, are protecting?’,” sambit niya.

“Tingin ko, nauutakan lang sila para sa November, magkikita na lang sila [on a] later date, para hindi na mahimay what is in the budget now.”

“‘Yung mga pinopokus nila, laban sa Speakership. Ang laban, dapat nag-focus sila ng kanilang attention dun sa pinaglalabanan na budget,” dagdag niya pa.

Sinabi rin niya na ang ginawang committee system sa Kamara–na dapat aniya ay sa bicam lang mangyayari–ay magbibigay-daan para aniya sa “horse trading”.

“‘O, ‘yung budget mo, hinihingi mo let’s say for example, [para sa] La Union. Ganito bibigay ko sa inyo, pero ito, manggagaling sa public works project ni kung sino. Bibigay namin sa’yo, pero pagdating sa 2022, sa amin ka ha’,” halimbawa ni Policarpio.

“Ganun ang laban ngayon,” aniya pa.

Noong Martes, sinuspinde ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado ang plenary session ng Kamara hanggang Nobyembre 16 matapos ang hindi inaasahang pagpasa sa second reading ng General Appropriations Bill na naglalaman ng panukalang 2021 national budget.

Dahil sa suspensiyong ito, ang budget measure ay hindi nakaabot sa Senado bago ang takdang Congressional recess sa Oktubre 17.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?