69

Dec 10, 2017 @ 16:51
By

1 pang SC justice, tetestigo sa Sereno impeachment hearing

Kasama na rin si Associate Justice Mariano del Castillo sa mga mahistrado ng Korte Suprema na haharap sa pagdinig sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House committee on justice, ipinaalam ni del Castillo sa committee secretariat ang naising humarap sa hearing.

“I have no personal knowledge about his intention to testify, but his willingness to face us was relayed to my committee secretariat,” ani Umali.

Sinabi ni Umali na maaaring ang pagtestigo ni del Castillo ay may kaugnayan sa alegasyon ni Atty. Larry Gadon tungkol sa pagbili ni Sereno ng mamahaling sasakyan. Base sa paratang ni Gadon, binili ng punong mahistrado ang luxury vehicle sa halagang P5.1 million kahit ang presyo nito ay P4.5 million lamang.

“Associate Justice del Castillo may testify on the circumstances behind the Toyota Land Cruiser controversy and other allegations of corruption against the Chief Justice,” ayon sa committee chairman.

Pero ayon kay Umali, baka sa Enero na makaharap sa komite si del Castillo dahil marami pang nakapilang testigo na kailangang isalang sa pagdinig bago magbakasyon ang Kongreso para sa Christmas break ngayong linggo.

“We can accommodate his (del Castillo) testimony by January next year because our hands are full with the scheduled testimonies of other justices,” sabi ni Umali.

Una nang inanunsyo ni Umali na posibleng dumalo sa impeachment hearing sina SC Associate Justices Noel Tijam, Francis Jardeleza, Teresita Leonardo-de Castro at Samuel Martires, at si retired Associate Justice Arturo Brion.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?