15

Feb 18, 2021 @ 21:49
By

1 pang OFW na bakunado vs COVID, nagpositibo sa Cebu

Panibagong OFW na naturukan na ng Pfizer vaccine ang na-test na positibo sa coronavirus disease sa Cebu.

Sa ulat, sinabi ni Department of Health-Central Visayas spokesperson Dr. Mary Jean Loreche, nanggaling sa Canada ang 25-anyos na babaeng OFW.

Naturukan siya ng unang dose ng Pfizer vaccine noong Enero 13 bago umuwi sa Cebu City.

Dumating siya sa lungsod noong Pebrero 9 at agad nag-quarantine.

Sa ikalimang araw ng kanyang quarantine noong Pebrero 14 ay sinailalim ang OFW sa swab test kung saan lumabas na positibo siya sa virus.

Dati nang sinabi ng US Centers for Disease Control and Prevention na posible pa ring ma-infect ang isang tao matapos niyang mabakunahan kung wala pang sapat na panahon ang bakuna para magbigay ng proteksyon.

Bago nito, may isa nang OFW na nagpositibo sa kabila na nabakunahan na kontra virus sa ibang bansa.

Isa siyang 43-anyos na lalaking OFW sa Mandaue City na tumanggap ng dalawang dose ng Sinopharm vaccine sa United Arab Emirates (UAE) noong Disyembre 12, 2020 at Enero 2, 2021.

Sumailalim sa swab test ang naturang OFW bilang requirements sa pagbabalik niya sa UAE.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?