89

Apr 26, 2021 @ 16:51
By

1 milyong COVID case ebidensiya ng kapalpakan ng gobyerno – Bayan Muna

Ang paglagpas sa isang milyon ng COVID-19 case sa bansa ay patunay umano ng kapalpakan ng gobyerno na pangasiwaan ang pandemya.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, mahigit isang taon na ang pandemya pero hanggang ngayon ay parang hindi umano natutunan ng gobyerno kung papaano kokontrolin ang pandemya.

“Ito talaga ang mahirap dahil ang mga itinalaga na mamuno sa paglaban dito ay mainly mga dating militar at hindi mga medical and health expert. Mas masahol, parang pinagkakakitaan pa ang pandemya dahil sa mga isyu ng ‘kickVacs’ sa procurement ng bakuna,” sabi ni Zarate.

Hanggang ngayon ay wala pa rin umanong mass testing at masigasig na contact tracing na kailangan upang ma-quarantine ang lahat ng posibleng nahawa ng COVID-19.

Iginiit din ni Zarate na hindi nangangahulugan na dapat i-swab test ang lahat ng mga Pilipino kundi magsagawa lamang ng 120,000 COVID-19 test kada araw para matukoy ang mga taong nahawa.

Hindi pa rin umano naaabot ang 1:37 contact tracing ratio o mahanap ang 37 nakasalamuha ng isang nagpositibo para matukoy kung sino ang mga nahawa.

Hindi pa rin naibibigay ang mga benepisyo para sa mga healthcare worker at mabagal ang vaccination rollout.

Nanawagan muli si Zarate na bigyan ng P10,000 ayuda ang bawat pamilyang naapektuhan ng pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?