28

Sep 15, 2021 @ 21:19
By

1 COVID positive sa bahay lockdown agad

Magiging mahigpit ang bagong polisiya sa lockdown para sa mga maitatalang COVID-19 case sa isang lugar.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivares na kahit isa o dalawang kaso lamang ng COVID-19 ay awtomatikong ilalagay sa lockdown ang lugar.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Olivarez na kapag may nagpositibo kahit isang tao lamang sa mga condominium ay agad na ila-lockdown ang buong floor kung saan nakatira ang COVID victim.

Ganito rin ang proseso sa isang bahay na mala-lockdown kapag mayroong kahit isang miyembro na nakitang positibo sa COVID-19.

Para naman sa isang kalsada o eskinita, dalawang kaso lamang ay damay na sa lockdown ang buong lugar.

“Kapag po sa kalsada, sa isang sitio, magdalawa lang ng case ay puwede na po na ring magkaroon ng lockdown para ma-implement natin iyong ating mass testing, iyong contact tracing pati sa isolation on a specific clustering,” ani Olivarez.

Lahat aniya ng nakahalubilo ng mga nagpositibo sa COVID-19 ay awtomatikong sasailalim sa swab test para matukoy agad ang mga nahawaan ng virus at para mapigilan ang mas lalo pang pagkalat nito sa lugar.

Para naman sa mga maaapektuhan ng lockdown, sinabi ni Olivarez na mayroong food packs na ibibigay ang local government unit at ang national government sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?