10

Jul 21, 2021 @ 18:13
By

1.5M bakunang Sinovac darating sa Huwebes

Inaasahang darating sa bansa ngayong Huwebes, Hulyo 22 ang panibagong batch ng supply ng Sinovac vaccines na 1.5 million doses.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bahagi ito ng binili ng gobyerno sa Sinovac Biotech Ltd. para sa nagpapatuloy na vaccination rollout ng gobyerno kontra COVID-19.

Inaasahan namang darating ngayong Miyerkules ng gabi ang mahigit kalahating milyong doses ng Pfizer na bahagi pa rin ng biniling bakuna ng gobyerno.

Sa Biyernes aniya ay may karagdagang bakuna ng Sinovac na inaasahang darating din .

“July 22 inaasahan natin ang pagdating ng isa at kalahating milyong doses ng Sinovac at sa Biyernes karagdagang isang milyong Sinovac ang expected na darating din po,” ani Roque.

Nauna rito, inihayag ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na nasa sampung milyon ang stockpile ng COVID vaccines na inaasahang tatagal hanggang sa huling linggo ng Agosto.

Sinabi ni Roque na marami na ang supply ng dumarating na bakuna sa bansa kaya hinihikayat ang mga hindi pa nababakunahan na magpaturok na ng COVID vaccine para sa kanilang proteksyon laban sa COVID-19.

“Tara na po magpabakuna. Magpaturok na po tayo kung saan scheduled tayo magpaturok. Dagdag na proteksiyon ito sa inyo, sa inyong pamilya at sa komunidad,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?