25

By

Wizards pilay agad kina Wall, Thomas

‘Di pa nagsisimula ang season ng Washington Wizards, may problema na si coach Scott Brooks.

Patuloy pa rin ang rehab ng pamatong si John Wall mula sa achilles tear. Sa kalagitnaan na ng 2019-20 season inaasahang makakabalik si Wall.

Si Bradley Beal ang naiwang magdadala ng team, kinuha ng Wizards nitong offseason mula free agency si Isaiah Thomas para sana pam-back up sa points.

Pero inihayag ng Washington na inabot naman ng ruptured ligament sa kaliwang hinlalaki si Thomas, 30.

Sumailalim siya sa operasyon, mawawala ng mula 6-8 weeks.

Posibleng si Ish Smith ang starting point guard, may dalawang opsiyon si Brooks kina Justin Robinson at Jordan McRae.

Naubusan noong nakaraang taon ang Wizards, tumapos ng 32-50 win-loss record at No. 11 sa Eastern Conference.

Sa preseason din, bagsak si Ian Mahinmi dahil sa strained right Achilles tendon, inaasahang magpapahinga hanggang kalagitnaan ng November.

Sa 6-foot-11, si Mahinmi lang ang lehitimong center ng Washington. Habang wala siya, malamang na magsalitan muna sina 6-11 Moe Wagner at 6-10 Thomas Bryant sa gitna.

Nakuha ng Wizards si Wagner, 22, mula Los Angeles Lakers via trade.

Out din sa injuries sina small forwards Troy Brown at CJ Miles na minsang nag-slide sa guard, kaya mas malamang na mabigyan ng mas maraming minuto si 9th pick Rui Hachimura.

Sa kanyang unang preseason game, ang 104-99 loss sa Knicks, kinakitaan ng angas ang Japanese.

Tipid na 7 attempts mula sa field sa loob ng 21 minutes lang si Hachimura, pero umiskor ng 12, may 4 rebounds at 2 assists. Hindi siya nailang sa pakikipagbalyahan kina Julius Randle at Marcus Morris.

Kung may positive sa Wizards sa season, malamang si Hachimura ‘yun.

“The guy, the weirdest thing, he’s like a wise veteran already,” ani Brooks. “He just plays with a real calm influence.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?