57

By

Wells, SMB tinuhog ang NLEX sa Dubai

Dead end sa Dubai ang three-game winning start ng NLEX sa PBA Governors Cup.

Balik sa lupa ang Road Warriors nang patikimin ng San Miguel Beer ng 98-94 panalo sa Coca-Cola Arena Sabado ng gabi (Linggo ng madaling araw sa Manila).

Petiks ang first two quarters ni Dez Wells, pagdating ng second half ay humarabas ng 22 points tungo sa 32 total para pangunahan ang atake ng Beermen. May sahog pa siyang 14 rebounds, 4 assists, 2 blocks at 1 steal kontra 4 turnovers sa halos 41 minutes na kayod.

Umayuda si Alex Cabagnot ng 20 points, may double-double ding 16 points at 18 rebounds si June Mar Fajardo na 4 of 14 lang sa field pero 8 of 9 sa free throw line.

Pinaglaro din ni coach Leo Austria si Christian Standhardinger at nagsumite ng 7 points. Kumalawit ng tig-9 rebounds sina Standhardinger at Chris Ross.

Dinomina ng SMB ang boards 72-53, at uuwi na malinis ang kartada sa 3-0.

Maagang umabante ang Beermen 16-6, pero pagdating ng third quarter ay nagawang agawin ng NLEX ang manibela 63-57. Pasabog ng 10 sa quarter si Wells para ibalik sa unahan ang Beer 71-69 papasok ng fourth.

Bayani rin si Wells sa clutch, sumagasa ng drive tungo sa 95-94 lead 23 seconds na lang.

Mintis sa kabila si Kiefer Ravena, pasok ang free throw ni Ross para umabante sa dalawa. Ginamit ni coach Yeng Guiao ang huli niyang timeout para mag-krokis ng play sa final 8.8 seconds, pero sablay din ang jumper ni Olu Ashaolu.

Sinelyuhan ng dalawa pang freebies ni Ross ang panalo.

Nilista ni Cabagnot ang first PBA basket sa bagong gawang arena nang pumasok ang jumper 10:34 sa opening period.

Pinangunahan ng 20 points ni Ravena ang Road Warriors, may tig-12 sina Kenneth Ighalo at galing injury na si Poy Erram. Umayuda ng tig-11 sina Jericho Cruz at Ashaolu na nagbaba pa ng 20 rebounds.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , , ,