46
Water reservoir sa mga lungsod, lalawigan iminungkahi para iwas-shortage
By

Water reservoir sa mga lungsod, lalawigan iminungkahi para iwas-shortage

Para hindi maulit ang krisis sa tubig na nararanasan ngayon sa ilang lugar sa Metro Manila, iminungkahi ng Malacañang ang posibilidad na magtayo ng water reservoir sa lahat ng lungsod at lalawigan sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kapag tag-ulan ay maiipon ang tubig na maaaring gamitin sakaling kapusin sa tubig lalo na sa panahon ng tagtuyot o panahon ng tag-init.

Palagi aniyang nagkakaroon ng problema sa tubig lalo na sa panahon ng tag-init kaya dapat panahon na para pag-isipan ito.

“I’ve been thinking, palagi tayong nagkakaproblema diyan. Bakit hindi na lang kasi gumawa ng nga reservoir in all cities and provinces para kapag umuulan, meron tayong palaging naka-reserve. Hindi ko maintindihan kung ba’t hindi natin magawa iyon, hindi ba?,” ani Panelo.

Malamig naman ang Palasyo sa muling pagbuhay sa Kaliwa Dam Project na tinututulan ng mga residente sa Tanay, Rizal pati na ng iba’t ibang environmental group.

Sinabi ni Panelo na kung makakaapekto ang proyekto sa komunidad ay posibleng hindi ito ituloy ng gobyerno.

Ang Kaliwa Dam Project ay isinulong noong nakalipas na administrasyon subalit naging matindi ang pagtutol ng mga residente sa Rizal at Quezon province kabilang na ang simbahan at iba’t ibang environmental group.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?