77

By

Walang sasantuhin! Mga korap sa Customs, sinampolan ni Duterte

Tinanggalan na ng duty ang ilang mataas na opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay ang mga ito sa “freezing” status dahil sa isyu ng korapsiyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang aksiyon ng Pangulo ay bahagi ng kanyang zero tolerance sa mga gumagawa ng katiwalian at iregularidad sa gobyerno.

Ilalabas aniya ang pangalan ng mga matataas na opisyal at empleyado ng BOC sa sandaling maisampa ang mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga ito.

“The President has directed the freezing of several high-ranking Customs officials and employees, whose names would be disclosed at the appropriate time, as they face administrative and criminal charges, for unlawful activities,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na magtutuloy-tuloy ang paglilinis sa burukrasya para mawalis ang mga tiwaling opisyal at kawani sa gobyerno at walang sasantuhin sino man ang masagasaan ng kampanya ng Pangulo.

“The anti-corruption campaign is continuing as it is relentless. No one will be spared,” dagdag pa ni Panelo.

Una rito inihayag ni Pangulong Duterte na apat na mga opisyal at tauhan ng BOC ang kanyang sisibakin sa loobng linggong ito dahil sa hindi matigil-tigil na katiwalian sa nabanggit na ahensiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?