80

Feb 9, 2020 @ 18:20
By

Walang patubig! Mga magsasaka sa Bulacan baka ‘di na makapagtanim

Nangangamba ang maraming magsasaka sa Bulacan na hindi sila makakapagtanim ng palay dahil hindi pa wala pang tubig mula sa National Irrigation Administration (NIA).

Ayon kay 54-anyos na si “Ka Tonyo,” inabisuhan silang January 15 magkakaroon ng patubig para sa kanilang mga itatanim na palay pero hindi ito dumating. Ang sumunod na abiso ay sa January 20 na hindi rin dumating at ang huli ay sa katapusan na raw ng Enero 2020, ngunit hanggang ngayong Pebrero 9 ay wala pa rin.

“Baka hindi na kami makapagtanim ngayon. E, walang tubig,” sabi niya.

Hindi malinaw sa mga magsasaka sa lugar kung bakit wala pa silang patubig.

May inaayos kasi na riprap sa daanan ng tubig na hindi malinaw kung kaninong proyekto. Nang pinuntahan ng Abante ang lugar, sinabi ng isang manggagawa na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang ginagawa, ngunit ang kanilang kontraktor ay para lamang sa tulay na malapit sa patubig at iba raw ang kontraktor na gumagawa sa riprap.

Walang karatula sa lugar kung aling ahensiya ng gobyerno ang nagkukumpuni sa patubig sa Bulacan na nagsasabi kung magkano ang proyekto, sino ang kontraktor, at kung kailan ito dapat matapos.

Dahil hindi malinaw kung kanino ang proyekto, maraming kumakalat na hakahaka sa mga magsasaka.

Ayon sa isa, sinabihan daw siya na proyekto ng Maynilad ang ginagawa sa lugar, na tinanggi naman ng kompanya dahil wala silang proyekto roon. Obserbasyon naman ng iba, nagsimula ang pagpapagawa ng riprap sa lugar malapit sa Lumina Homes na pag-aari ng pamilya nina Senador Cynthia Villar at anak niyang si DPWH secretary Mark Villar.

Hindi rin kaila sa marami na iniisa-isa na ng mga Villar kuhanin ang kontrol ng mga water district sa iba’t ibang lugar sa bansa. Sa Bulacan, nakuha ng PrimeWater ng mga Villar ang water district ng Malolos, Meycauayan, Marilao, at San Jose Del Monte. Sa website ng Primewater, sinabing ito ang nagpapalakad ng tubig sa 124 na lungsod at bayan sa bansa at makikita ito sa 16 na rehiyon at 36 na probinsya.

Sa abiso ng Bulacan-Aurora-Nueva Ecija Irrigation Management Office (BANE-IMO) ng NIA nung ika 9 ng Enero, 2020, hindi sila binigyan ng kanilang hinihinging 30 cms na tubig ng National Water Resources Board (NWRB) dahil sa mababa ang tubig sa Angat dam.

Sabi pa nito, 20 cms lamang ang pinagkaloob kaya’t ang Ambuspa lamang ang patuloy na mabibigyan ng tubig. Nakaupo sa board of directors ng NIA si DPWH Secretary Mark Villar.

Sa liham ni NIA BANE IMO manager Lauro Ballesteros, may ginagawang proyekto sa irigasyon sa Bulacan. Dagdag pa niya, kalahati rin ng mga palayan doon ang walang patubig dahil sa desisyon ng NWRB. Sa patalastas na nilabas ni Ballesteros para sa mga magsasaka, sinabi niyang inaayos ng NIA na umabot sa 16,000 hektaryang palayan ang magkatubig imbis na 13,000 lamang.

Nasa 145,480 ektaryang lupa ang tinamnan ng palay sa Central Luzon nung first quarter ng 2019 at umaabot sa 5 tonelada ang naani ng mga magsasaka dito sa isang ektaryang palayan.

Ani Ka Tonyo, hirap ang mga magsasaka sa lugar maghanap ng pagkakakitaan dahil tinamaan sila ng African Swine Fever noon lang nakaraang taon at ilag pa silang mag-alaga muli ng mga baboy.

Mahalaga sa mga magsasakang makapagtanim sa buwan ng Enero dahil mas hirap ang tubig pagdating ng Abril at Mayo kung kailan dapat ay nakaani na sila

Sa pagtatanim ng palay, kailangan ng magsasaka ng humigit kumulang sa 110 na araw bago mag-ani. Kung nakapagtanim na ang mga tao nung Enero, may maasahan na silang ani bago magpista ang iba’t ibang mga bayan sa Bulacan sa Mayo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?