39
Vote-buying bahagi na ng eleksyon sa ‘Pinas - Duterte
By

Vote-buying bahagi na ng eleksyon sa ‘Pinas – Duterte

Hindi na ipinagtaka ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ulat na talamak ang vote-buying o pamimili ng boto ng mga kandidato sa ginanap na eleksyon ngayong Lunes.

Sinabi ng Pangulo na naging bahagi na ng kultura ng eleksyon sa Pilipinas ang vote-buying at wala aniyang hindi nagbebenta ng kanyang boto.

Kung nagbigay man ang isang kandidato ng pera, hindi lang ito dahil para mamili ng boto kundi para suportahan ang mga supporter na nagbantay sa kanyang boto.

“The practice of buying votes has been an integral part of an election in the Phillippines. ‘Yang pagboto lahat ‘yan, walang hindi nagbibili ng boto. Ituro mo kung sino ang hindi nagbenta ng boto. When you start to give money, sabi ko nga sa Comelec, it is not because I’m buying the vote of the fellow, it’s because I’m giving you money to go to the presinto, cast his vote and go home,” aniya.

Nakarating na sa Presidente ang mga ulat ng talamak na vote-buying sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sinabi nitong kapag nahuli sa akto ang mga ito, marapat lamang na maparusahan sa ilalim ng batas.

“If they are caught they should be prosecuted to the fullness of the law,” dagdag pa ng Pangulo.

Bumoto si Pangulong Duterte pasado alas-kuwatro ng hapon sa Daniel R. Aguinaldo National High School sa Davao City kung saan ang pangalan nito ay nakatala sa Precinct 1245A Cluster Number 361.

Inasistehan ng kanyang partner na si Honeylet Avanceña ang Pangulo kung saan inabot ang isang folder na naglalaman ng listahan ng mga kandidatong kanyang ibinoto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?