357

Mar 19, 2020 @ 18:26
By

Vico Sotto, sinopla ng DILG sa tricycle

Sinopla ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Pasig City Mayor Vico Sotto at pinayuhan na tularan ang ginawa ng ibang mga local government unit (LGU) sa pagtugon sa problema sa transportasyon ng mga health worker.

Sa press conference nitong Huwebes, inihalimbawa ni Undersecretary Jonathan Malaya ang Parañaque City kung saan sa halip na tricycle ang ipagamit sa mga frontline health workers ay humiram sila ng mga bus sa mga hotel.

“Kung ang purpose po natin ay health workers, sana po tingnan ng lungsod ng Pasig ‘yung ginawa ng ibang lungsod… For example po sa Parañaque po, humiram sila ng bus sa Okada at City of Dreams at sa Solaire, ‘yung lahat ng bus gumawa sila ng ruta… doon nila pinapasakay ang kanilang health workers,” giit ni Malaya.

“Ang Parañaque ba ay pinayagan ang mga tricycle? Hindi. Sa Quezon City ba pinayagan ang tricycle? Hindi rin. Ang hindi ko po maintindihan, kung nagagawan po ng paraan ng ibang LGU na makagawa ng sistema ng paghahatid ng health workers sa kanilang pupuntahan, bakit hindi magawa ng Pasig?” dagdag pa ng opisyal ng DILG.

Una dito ay hiniling ni Sotto sa national government na huwag isama ang mga tricycle sa pagba-ban ng public transportation sa gitna ng umiiral na ‘enhanced community quarantine’ sa Luzon.

Ayon sa alkalde, sa kanilang lungsod ay pinayagan niya ang mga tricycle upang may masakyan ang mga health worker at emergency patient na dadalhin o magtutungo sa mga ospital sa Pasig, subalit ito ay hinuhuli ng mga tauhan ng Philippine National Police.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?