131

By

Vice mayoralty candidate sa Zamboanga del Norte timbog sa mga baril at bala

Arestado ang isang retiradong police major na tumatakbong kandidato sa pagka-bise alkalde at ang kasama nito matapos mahulihan ng mga baril at bala nitong Lunes ng madaling-araw sa isang police checkpoint sa bayan ng Salug, Zamboanga del Norte.

Kinilala ni Police Brig. General Emmanuel Licup, Police Regional Office (PRO) 9 Director, ang nadakip na mga suspek na sina retired Police Major Sergio Bihag, 57, tumatakbong vice mayor sa bayan ng Salug, Zamboanga del Norte at kasama nitong si Jetro Ybanes, 38.

Nakuha sa sa pag-iingat ng mga suspek ang isang kalibre .38 baril, isang Thompson submachine, mga magazine at bala ng nasabing mga baril.

Sa ulat ni Police Major Helen Gelvez, tagapagsalita ng PNP PRO 9, dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang masabat sa PNP checkpoints sa Barangay Pucay ng nabatid na bayan ang mga suspek lulan ng itim na Hilux na may plakang VZ 5600.

Ayon sa mga suspek, ang mga nakuhang baril sa kanila ay gamit lang umano nila para sa seguridad ng kanilang buhay dahil mayroon umanong mga banta lalo na kay vice mayoralty candidate Bihag.

Dinala ang mga suspek at mga nakuhang armas sa Salug Municipal Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban s a mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?