223

Velasco: Extension ng water deal kinansela na ng MWSS board

Kinumpirma ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Chairman Reynaldo Velasco na ni-revoke o kinansela na ng MWSS Board ang extension ng water concession agreement ng Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc..

Nakasaad sa tweet ni ABS-CBN journalist Alvin Elchico, kinumpirma ni Velasco na ni-revoke ng MWSS Board ang pagpapatuloy ng kasunduan mula taong 2022 hanggang 2037.

Ito, matapos ihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi magbabayad ang gobyernong Duterte ng danyos sa Maynilad at Manila Water kahit pa inutos na ng Permanent Court of Arbitration sa Singapore. “Onerous” o mabigat aniya kasi ang kontrata at “masyadong disadvantageous sa gobyerno.”

Kamakailan, inutos ng international tribunal na magbayad ang Philippine government ng P3.4 bilyon sa Maynilad habang P7.4 bilyon naman sa Manila Water dahil sa nawalang kita ng mga water concessionaire matapos hindi payagan na magtaas ng singil sa nakalipas na mga taon.

Nanindigan namang hindi makikipag-areglo si Pangulong Rodrigo Duterte sa dalawang kompanya hangga’t hindi niya nakakausap ang mga tao na nasa likod ng kontrobersiyal na 1997 water concession agreements.

“Kaya gusto ko silang makausap. Hindi ito maareglo hangga’t hindi ko makausap ‘yung mga concessionaire. Gusto ko harap ang abogado ng gobyerno na p***** i** ng gumawa ng kontrata na ito,” bulalas ni Duterte.

“Kaya sabi ko ah paano mo, paano mo… how… paano mo aregluhin ‘yan ngayon? They say na, ‘aregluhin natin.’ How? How will I compromise? It’s plunder. That is the classic economic plunder. Tell me kung papaano ko sabihin sa tao?,” wika pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?