85

By

Van na umiikot sa Marikina, holdaper pala

Target ngayon ng Marikina Police ang isang van na umiikot at nangunguha umano ng pera.

Isang babaeng ahente ang nagsampa ng reklamo sa Marikina Police matapos siyang sundan, lapitan, hilahin ng mga suspek na nagbukas ng pinto ng isang van sabay deklara ng “holdap,” Huwebes ng umaga sa Barangay Sto. Niño, Marikina City.

Naganap ang insidente bandang alas-5:00 ng umaga sa kahabaan ng Gil Fernando Ave., Barangay Sto. Niño, habang nag-aabang ng sasakyan ang biktimang si Mary Grace Ugaban, 27-anyos, sales officer, at residente ng Barangay Concepcion Uno.

Ayon sa biktima, napansin na niya ang isang tinted na van na nakaabang sa kanto at habang nag-aabang siya ng masasakyan papasok ng trabaho ay umandar ang van at dahan-dahang lumapit sa kanya.

Nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto at bumulaga sa kanya ang dalawang lalaki na hinila siya palapit ng van at sabay na nagdeklara ng holdap.

“Huwag lang papalag, huwag kang maingay kasi papatayin kita,” ang bantang binitiwan kay Ugaban na walang nagawa kundi ibigay ang kanyang bag na naglalaman ng isang OPPO F5 cellphone na nagkakahalaga ng P8,000, cash na P2,000, mga ATM card at ID.

Agad na umalis ang mga suspek matapos makita ng isang security guard ang pangyayari at tinangay ang bag ng biktima.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga tauhan ng PCP-3 at Barangay Sto. Niño rescuers para mahuli ang mga suspek na sakay ng van. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?