48

By

Van inararo ang trike sa Pangasinan, 3 patay, 2 sugatan

Patay ang tatlong katao kabilang ang dalawang menor-de-edad matapos suwagin ng rumaragasang van sa national road ng Barangay Biec, Binmaley, Pangasinan noong Linggo ng hapon.

Kinilala ni Binmaley Police Station (BPS) commander P/Lt. Col. Brandon Palisoc ang mga biktima Leody C. Padua, 27, anak nitong si Haily Padua, 2, at pamangkin nitong si Aaron Justine Padua, 2, pawang mga taga-Barangay Balogo ng nasabing bayan.

Samantala, ang mga sugatan ay sina Arceli Paduay; Eduard Padua Concepcion; Hazel Padua at Jilian Padua.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay Palisoc, nangyari ang insidente bandang alas-1:35 ng hapon, Oktubre 13, 2019, sa kahabaan ng MacArthur Highway ng nasabing bayan.

Sinabi ng BPS, kasalukuyang binabagtas ni Leody ang nasabing kalsada gamit ang tricyle nang bigla itong salubungin ng isang Toyota HiAce van na may plakang ALA-6102 na minamaneho ni Eduardo Magat.

Dahil sa tulin ng takbo ng van, inararo nito ang tricycle na tumilapon ilang metro mula sa pinangyarihan ng aksidente.

Dead-on-the spot si Leody, habang ang dalawang menor-de-edad ay namatay habang ginagamot sa ospital.

Agad namang inaresto si Magat at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple serious physical injuries.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?