87

By

US senator na humirit palayain si De Lima, ignorante – Palasyo

Sinupalpal ng Malacañang si United States Senator Marco Rubio sa panawagan nito sa gobyerno na ibigay ang ‘unconditional release’ ni detained Senator Leila de Lima dahil bogus aniya ang mga kasong isinampa laban sa senadora.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bogus ang mga pahayag ni Rubio dahil walang batayan ang pinag-iingay nito.

Binigyang-diin ni Panelo na lahat ng mga kasong kinakaharap ngayon ni De Lima ay dumaan sa preliminary investigation at sumailalim sa evaluation ng korte, partikular ang mga hukom na naglabas ng mandamiyento de aresto laban sa senadora.

“Iyong statement ni Senador Rubio ang bogus, walang batayan. Dalawang beses ang pinagdaanan, nagdemanda, nagkaroon ng preliminary investigation; nagsumite ng ebidensiya, nagsumite rin iyong kalaban, tapos dinitermine ng prosecutor na may probable cause, o paano naging bogus?” ani Panelo.

Buwelta pa ng kalihim, si Rubio ang bogus dahil hindi nito pinag-aralan ang mga ipinapahayag sa publiko.

Hindi aniya mag-aaksaya ng panahon ang Palasyo sa mga taong walang alam at ignorante sa mga pinagsasabi sa publiko.

“Hindi tayo interesado diyan. Problema na niya ‘yan kung hindi niya alam ang facts niya. Bakit pa tayo mag-aaksaya sa mga taong hindi naman nag-aaral? Let them hang on their own,” ani Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na dalawang bagay lang ang motibo ng pag-iingay ng Amerikanong senador at ito ay political propaganda laban sa Duterte administration o kaya naman ay sobrang pagiging ignorante nito sa mga tunay na nangyayari sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?